CLICK HERE FOR FREE BLOGGER TEMPLATES, LINK BUTTONS AND MORE! »

Sunday, May 13, 2012

Oo! Bahala na!

Tinanong ako ng isang malapit na kaibigan: Wala ka na bang choice? Diyan ka na talaga? Malakas ngunit medyo may alinlangan pa ang sagot ko noon, sabi ko: Oo! Bahala na!

Ilang oras at medyo maraming araw na rin ang lumipas noong unang tumungtong ako sa Gawad Kalinga bilang isang intern. Baon-baon ko araw-araw ang sagot ko saaking kaibigan, araw-araw, sinasabi ko saaking sarili, Oo! Bahala na! 

Ngayon ko lang napagtanto na ang sinagot ko saaking kaibigan ay medyo may kabigatan at kahirapan. Yung "Oo! at Bahala na." ay isang malakas na pagsagot sa paanyaya ng Panginoon at isang bukas na pagtitiwala sa Kanyang mga plano. 

Noong una, sabi ko, game ako diyan, sa mga experience ko ba naman bilang isang social worker, community organizer at volunteer ano pa ba ang hindi ko kakayanin? Ano pa ba ang hindi ko kayang gawin? Hindi ko nga alam kung ano ang pinasok ko. 
Lumipas ang mga araw ng tawanan at walang humpay na kwentuhan - masaya, napakasaya sa Gawad Kalinga. Ibang level ang energy ng mga community organizers at volunteers doon, parang hindi napapagod, hindi nagsasawa. Ngunit sa likod ng mga tawanan na ito ay ang isang mahapding kurot na pare-pareho naming nararamdaman sa tuwing kami ay nasa GK Villages. Oo, isang masayang pampalubag-loob na sa bawat hakbang na ginagawa mo alam mong natutulungan mo ang mga kababayan mo kahit papano, pero kasabay ng pagtalikod mo sa mga kausap mong beneficiaries ay ang lungkot na dadalhin mo habang ikaw ay pauwi, minsan babaunin mo ito hanggang saiyong kwarto, sabay tanong: Sapat na ba ang nagawa ko? 

Sa tuwing pumapasok ang mga tanong na ito saakin, tinitingnan ko ang mga kasama ko sa Gawad Kalinga. Sa kabila ng hirap at pagod, patuloy pa rin silang naglalakad patungo sa mga GK Villages para tumulong. Ibang klase! Ibang klase ang tiwala na binigay nila. Dito ginaganahan ako para mas maging isa pang mabuting intern, at mas magi pang mabuting Pilipino. Grabe kung tumaya ang mga kasama ko sa Gawad Kalinga. Baon lang nila ay lakas ng loob, tiwala sa Diyos at isang bote ng tubig.
Ngayon, alam ko na. Hindi lang ako ang sumagot ng Oo at Bahala na sa Gawad Kalinga. Bago pa man ako, marami ng tao ang yumakap ng buo sa panawagan ng Panginoon na magsilbi, maraming tao na rin ang napasubok at umiyak sa landas na pinili nila dito sa Gawad Kalinga, pero alam ko, lahat ng taong nandito ay isa lamang ang puso - isang pusong puno ng pagmamahal, pananalig at pagtitiwala. 

Oo, ilang linggo pa lang naman ako sa Gawad Kalinga. Kung ikukumpara ang mga araw na naibuhos ko dito, alam kong meron pa akong mapipiga at maibibgay para sa iba. 

Hindi madali maging bahagi ng pamilyang ito, ngunit alam ko na sa bawat problemang aming naririnig, ay ang isang malakas na sigaw ng pag-asa - maraming tao ang handang tumulong at magsilbi para sakanilang kapwa. 
Hindi ko alam kung saan hahantong ang lahat ng ito, ngunit patuloy pa rin akong sasagot ng Oo! Oo - dalhin mo kami Panginoon sa mga lugar na kailangan mong yakapin. Baku-baku man ang daan, maalon man ang karagatan, wala man tirahan o masasakyan.




Bahala ka na, Panginoon saamin! Nawa'y patuloy mo kaming bigyan ng lakas para tuparin lahat ng aming alituntunin at hangarin!

4 pintura:

Gabe said...

Raffy
Thanks for sharing. Godbless.
Gabby
AMDG

raffymagno said...

Salamat din po, Sir Gabe! :)

sumbikalan said...

raffy,

nkka pa taba naman ng puso. dahil dito ay lalo tayong gaganahan para pag silbihan ang ating bayan.

raffymagno said...

Maraming salamat! Patuloy lang! Para sa bayan! :D

Post a Comment