CLICK HERE FOR FREE BLOGGER TEMPLATES, LINK BUTTONS AND MORE! »

Saturday, April 16, 2011

BAHAGHARI


Ang berdeng kapaligiran naming, sa akin ay nagmulat, nagbigay ng buhay. Kinalakihan at nagdulot ng masasayang alala. Nangakong ito ay aking pagyayamanin pagdating ng panahon. Pangakong nasira dahil sa isang pangarap. Ang hirap at pagod, dugo't pawis na nadilig sa bawat pananim. Ito ang hindi natikman ng aking katawan. Ngayon ko nararamdaman ang epekto ng hindi pagsunod sa bilin ng aking mga magulang.

Tumingin ako sa langit, oh kay sarap tingnan, madarama ang kapayapaan na kabaligtaran ng aking pakiramdam ngayon. Ang manakanakang ulap at matingkad na asul sa kalawakan na tila ba kumakaway sa akin, nagyayabang, nanunumbat... Kelan man, tumanggi ako sa paanyaya ng kulay nyang asul na kalangitan, pag aanyaya para sa kapayapaan ng isipan. Katulad sana niya ako ngayon, maaliwalas, nagsasabi ng isang magandang maghapon.

Matindi ang sikat ng araw at nakakapaso ng balat sa umaga hanggang hapon. Pag sapit ng takip silim, ang pagsilip naman ng buwan na unti unting nagbibigay ng liwanag sa aking kapaligiran. Naglipana ang mumunting bituin, ano pa't nagsisilbing palatandaan ng magandang araw para sa kinabukasan. Hindi ko alam kung naging ganito ako noon, ang bawat gabi sa akin ay nagdudulot ng isang pag-ulan. Pag ulan na siyang nagdudulot naman ng luha sa mata ng mga taong sa akin ay hindi nagkukulang.

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin o ako ay nagbingibingihan, kalusugan ay pangalagaan. Kasabay ng kalusugan ng pangangatawan ay ang kalusugan ng puso at isipan. Sarado ako sa mga bitaminang dapat ay mayroon sa akin. Nakabukas lamang sa puting usok na kumikitil sa aking isipan at damdamin. Paglipad ang nararamdaman sa kawalan. Hanggang sa maputol ang pakpak at ngayo'y bumabagsak sa karimlan.

Dugong nananalaytay pa sa kin. Buhay at ngayo'y gumigising. Ipinapasyal ako sa harding wala ni isang bulaklak, tuyot ang dahon na tinatangay ng hangin. Patuloy pa din ang pagdaloy ng dugo sa aking katawan. Ang kulay na sumisimbolo sa katapangan. Katapangan para sa iba at hindi sa akin. Ang pagdaloy nito sa aking mga ugat ay sumisimbolo na aking karuwagan na noo'y syang nangibabaw sa akin.

Dugong maharlika, ang sinasabing dugong nananalaytay sa isang makapangyarihan. Maraming taon ang lumipas na iyan ay aking pinangarap. Pangarap na nagsimulang buuin ng dahil sa aming kahirapan. Ang dugong kailanmay hindi maaring manalaytay sa akin. Dahil hindi makatotohanan ang kulay ng dugong iyan. Pagtapak sa damdamin ng aking magulang at pasakit para sa kanila ang aking naging daan sa pagtahak ng daan tungo sa pangarap na iyan.

Malapit na ang takip silim, aking nararamdaman. Ang sandaling malungkot na liwanag ng buwan na unti unting kinakain ng ulap ang aking nakikita. Sa mga sandaling ito, ang aking pagiisip sa nakaraan, ang sandali ng pagsisisi, ang sandali ng aking buhay sa pagtanggap ng parusa at pagsusumamo upang makamtan ang kapatawaran. Ang sadaling ito ang aking hinihintay. Ang unti unting pagdilim ng aking paningin.

Ang bahaghari ng buhay. Ang mga kulay ng bahagharing hinyaan kong pangibabawan ng puting usok na aking kinahumalingan. Puting usok na ang akala ko'y sya ko lang kailanangan, ito rin ang sumira ng aking pagkatao. And dahilan ng pagiyak ng aking mga mahal sa buhay.

Akin lang kahilingan bago ako pumanaw, bumuhos sana ang ulan, umaasang sa pagtila nito'y lumabas ang bahaghari na noo'y hindi ko nasilayan.

Isinulat ni: Alvin Bayas, blogger at may ari ng ISTAMBAY.

0 pintura:

Post a Comment