CLICK HERE FOR FREE BLOGGER TEMPLATES, LINK BUTTONS AND MORE! »

Monday, July 16, 2012

Atenista, sino ka?

150 years - Ateneo de Manila. 
100 years - Ateneo de Zamboanga. 
79 years - Ateneo de Cagayan. 
76 years - Ateneo de Naga. 
64 years - Ateneo de Davao. 

Matagal na rin nga talagang namamayagpag ang Ateneo sa buong bansa. Sikat ito hindi lang dahil sa magagaling, magaganda at pogi ang mga nag-aaral dito, kundi lahat ng Atenista ay tinatawag na "men and women for others" at hindi lang yan, lahat rin sila ay buong-buong yinayakap ang "cura personalis". Bago ako magsulat nito, tinangka ko pang mag-compute kung ilang libong tao na ang nakatapos ng pagsusunog ng kilay sa Ateneo, ngunit nung nakita ko ang mga taon simula ng naipanganak si Ateneo sa buong bansa, isa lang ang pumasok sa isip ko - marami na kaming men and women for others - dapat. 


Marami nga ba?

Hindi na trivia sa lahat ng tao na ang ilan sa mga namumuno o namuno ng bansa ay mga Atenista. Marami rin naman talagang nagtagumpay ngunit marami rin ang bumigo sa mga kanya-kanyang tungkulin. At ito yung pinaka-masaklap, mukhang mas marami yung bumibigo. 

Sa daang taon ng Ateneo sa bansa, ilang Atenista na nga ba ang tunay na nag-alay ng sarili sa bayan? Ilang Atenista na nga ba ang naging tunay sa misyong maging "men and women for others"? 

Naging saksi at parte ako ng gigil ng Ateneo na makatulong sa ibang tao, noon, high na high rin ako kapag nasa mahihirap akong lugar at nagtuturo ng kung ano-ano sa mga bata, nagbibigay ng training sa mga nanay at tatay, o naglilinis ng mga maduduming dalampasigan. High na high rin ako kapag namumuno ako ng mga activities na feeling ko babago sa ikot ng mundo. Akala ko noon, yun na yung pagiging "man for others" ko. Mali pala ako.




Totoong buhay.

Hindi joke time ang pagiging Atenista. Mahirap talagang i-balance ang academics at lovelife - ooopppsss, I mean, extra-curricular activities, kasabay na rin ang expectation ng mga magulang at friends. Hindi rin madaling magmukha at magpanggap na mayaman kahit 7 pesos na lang ang nasa bulsa mo. Totoong totoo ang buhay sa loob ng Ateneo, totoong totoo ang Buhay Atenista, pero ang Buhay Atenista ay napakalayo sa Buhay Pilipino. 

Akala ko noon, pwede na akong hiranging National Hero dahil sa mga kalokohang pinaggagawa ko bilang isang student leader, ang alam ko lang noon, kailangang tulungan ang Bicol kasi, nasa contract yun sa scholarship namin at according sa mga studies, isa raw ang Bicol sa pinaka mahirap na rehiyon sa bansa. Oha!


Bagong Buhay.

Pero nagbago ang lahat ng unti-unti akong bumalik sa mga lugar na dati kong pinupuntahan, hindi bilang isang Atenistang Turista at feeling-magaling-na-magbabago-ng-bansa kundi bilang isang Atenistang Misionaryo. 

Hanggang ngayon, hindi pa rin ma gets ng mga magulang ko kung bakit kailangan kong talikuran ang mga offers ng malalaking kumpanya sa Maynila at mas piliing bumyahe sa kung saan-saan sa Bicol, walang dalang pera ngunit may isang bote ng tubig naman. Hindi rin nila ma gets kung bakit pag-uwi ko ng bahay, kadalasan mas amoy lupa ako o amoy putik, dati kasi, mas madalas ang amoy alak at yosi. 


Ito ang buhay na aking pinili. Malayo man sa expectation ng mga magulang at friends, malayo man sa expectation ng mga tao bilang Atenista ako, malayo man sa rangya ng opisina sa Makati pero masaya ako - sobrang saya ko. 
 

Challenge!

Hindi ko sinasabing ito ang noblest job in the world kasi hindi naman trabaho ang mahalin ang bayan - para saakin, responsibilidad ng bawat Pilipino na gawin ito, ngunit gusto kong i-challenge ang lahat ng Atenista sa mundo na pagisipan at dasalan ang misyon ng bawa't isa para sa Pilipinas. Hindi lang pagiging community organizer ang cool, cool rin ang mga social entrepreneurs, doctors sa baryo, lawyers na hindi nagsisingil ng bongga, tourism specialist na nag popromote ng ganda Pinas, nurses sa community, pulitikong tapat, at Atenistang patuloy na hinuhubog at nagpapahubog para maging tunay na "man/woman for others". 

Daang taon na ang lumipas. Marami ng Atenista ang grumadweyt ng Ateneo ngunit mahirap pa rin ang Pilipinas. Ilang taon pa ang kailangan nating hintayin? Sinong martir pa ba ang kailangan patayin? Ikaw? Handa ka na bang baguhin ang Pilipinas? Handa ka na bang isabuhay ang pagiging man o woman for others?



 
 

1 pintura:

Unknown said...

I love that it's in Tagalog! I always have a hard time speaking in Tagalog that it's so awkward. Thanks! Ang galing mo talagang story sharer. Love it.

Post a Comment